IKALAWANG AGTA/DUMAGAT PANUPPOY FESTIVAL,Ipinagdiwang!




Ni Kadengat BoyM

Sa kabila ng matinding kahirapan na nararanasan dahilan sa mabilis na pagkaubos ng mga likas-yaman na kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay, ang mga katutubong Agta/Dumagat ay hindi nakakalimot na magbigay ng papuri kay Makidepet (ngalan ng kanilang Diyos) sa mga biyaya nito sa kanila.

Suot ang kanilang mga kulay pulang bahag at tapis, mahigit sa 600 katutubong Agta/Dumagat ang nagtipon sa Plaza ng Inafanta, Quezon mula Abril 6 hanggang 8 para sa pagdiriwang ng kanilang Ikalawang Panuppoy Festival na may temang ” “Pagbabahagi at Pasasalamat sa patuloy na Pagpapaunlad at Pagtatanggol sa Lupaing Ninuno ng mga Katutubong Agta/Dumagat”.

Ang unang Panuppoy Festival ay ginanap noong Oktibre 2008 sa pangunguna ng Tribal Center for Development (TCD) at SAGIBIN-LN, ang pederasyon ng mga pamayanang katutubo sa anim na bayan sa hilagang Quezon sa pamamagitan ng proyektong pangkultura ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

Sa taong ito, ang Non-Timber Forest Products- Task Force at Philippine Tropical Forest Conservation Foundation ang nagbigay ng suportang pinansyal para maisagawa ang ikalawang festival at sa pangunguna ni Quezon Tribal Governor Nap Buendicho. Ang mga pamayanan ay nagsipagdala ng kani-kanilang produkto na kanilang ipinagbili gaya ng sawali, mga yaring-kamay at mga produktong gubat na hindi kahoy. Itinampok ng SAGIBIN-LN ang kanilang nakaboteng Honey Bee (pulot.

Apat na mahahalagang gawain ang itinampok sa festival sa taong ito.

Quezon Candidates’ Forum

Sa unang araw, ginanap ang forum sa mga kandidato sa local na halalan sa lalawigan ng Quezon. Ilan sa mga dumalo sa forum ang mga kandidadto ng Lakas-KAMPI-CMD sa pangunguna ng tumatakbong Congresswoman Agnes Devanadera at ni G. Fred Pujeda na tumatakbong Mayor ang tiket nito sa pambayang posisyon ng Hen. Nakar. Samantala, mag-isang dumating si Mayor Leovigildo Rozul na kandidato ng Partido Liberal. Sa bandang hapon ay dumating din ang mga kandidato ng Magdalo at iba pang independent candidate. Nandoon din ang kinatawan ng tumatakbong vice-governor ng Quezon at kasalukuyang bokal Alcala.

Iniharap ng mga katutubo ang kanilang inihandang listahan ng mga kahilingan sa mga kandidato na tinawag nilang ADYENDA NG MGA KATUTUBO PARA SA PAG-UNLAD AT PAGBABAGO. Lumagda sa nakasulat na kasunduan ang mga kandidato ng Lakas-KAMPI-CMD sa pangunguna ni Sec. Devanadera. Sa kanyang pagmamadali na lumisan ay hindi nakapirma ang kasalukuyang punong bayan ng Hen. Nakar. Ilan sa mga pangunahing nilalaman ng kasunduan ay ang pagtutol sa pagtatayo ng mga dam gaya ng Laiban at Kanan B1 at ang pagbibigay ng permit sa pagmimina at pagtutroso sa kabundukan ng Quezon.

Nang banggitin ni Sec. Devanadera ang tungkol sa kanyang plano na gumawa ng batas tungkol sa pagtatayo ng REINA Development Authority ay tahimik lamang ang lahat. Matagal nang tinututulan ng mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo ang planong pagtatayo ng airport at seaport sa Infanta dahil sisirain nito ang malawak na taniman ng palay at pangisdaan. Noong nakalipas na Byernes Santo ay nagsagawa ng malaking protesta ang may 1sanlibong mamamayan ng Casiguran ukol sa Aurora Special Economic Zone o ASEZA, isang katulad na proyekto ng mga Angara sa lalawigan ng Aurora. Tiniyak naman ni Devanadera na kanyang lubos na pinapahalagahan ang pagsasagawa ng masusing pag-uusap sa mga mamamayan upang makabuo ng mga makabuluhang proyekto at batas.

Multi-sectoral Forum

Ang Adyenda ng mga Katutubong Agta/Dumagat para sa Pag-unlad at Pagbabago ay iniharap din sa pagtitipon ng mga kinatawan at pamunuan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan at NGOs upang hingin din ang kanilang suporta at katugunan sa ikalawang araw ng festival.

Ipinahayag ni Dir. Roberto Almonte ng NCIP Quezon Provincial Office ang nakakadudang pangyayari sa pagkakapatibay ng mga dating pamunuan ng NCIP National sa aplikasyon sa pagmimina ng PKSK-Nakar sa Viewdeck, Barangay Lumutan. Ayon sa kanya, hindi isinama sa nakasulat na report ang dokumentong nagpapatunay na pineke ang pirma ni Gob. Rafael Nantes sa permit na di umano ay ibinigay nito. Gayundin, ang report na ginawa at isinumite ng kanyang mga staff ay hindi dumaan sa kanya upang kanyang pagtibayin. Gayunpaman, binigyan pa rin ng pagpapatibay ng NCIP National at Regional office ang aplikasyon. Kung kaya, naging bulong-bulongan sa pagtitipon na maaaring minadali ang pagbibigay ng permit sa pagmimina ng PKSK at posibleng isa ito sa mga tinatawag na ”midnight deal” ng mga datihang opisyal ng NCIP.

Pinukol ng maraming tanong ang kinatawan ng DENR-CENRO ng Real tungkol sa malawakang iligal na pagpuputol ng kahoy. Pangunahing inireklamo ng mga katutubo ang kawalan ng aksiyon ng DENR upang pigilan ang illegal logging. ”Ayon sa ating usapan, ang mga katutubo ang siyang dapat makakuha ng mas maraming bilang sa Bantay-Gubat ngunit sa kasalukuyan mas marami pa rin ang Bantay-Gubat na Tagalog”, binigyang diin ni Tribal Gov. Nap Buendicho. Ang mga katutubo ang higit na nakakaalam ng pasikot-sikot sa kagubatan at kung paano ito higit na mapuprotektahan ayon pa sa kanya.

Tiniyak din ng kinatawan mula sa OPPAP na kanyang dadalin sa kanyang pakikipag-usap kay NCIP Exec. Dir. Quillaman at sa pamunuan ng OPPAP ang lahat ng nilalaman ng adyenda ng mga katutubo. Ang OPPAP ay may binuong katulad na dokumento sa sektro ng mga katutubo sa buong bansa.

Sa talakayan ay ipinangako ni Lt Cortez ng 1st IB na kanilang igagalang ang karapatang pantao ng mga katutubo sa pamayanan at sabay panawagan na tulungan silang maunawaan ang kakaibang kultura ng mga katutubo.

Nilahukan din ang forum ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang NGO gaya ng Team Energy, NTFP-TF, Haribon Foundation, TFDP at TCD.

IP Network (South Sierra Madre) Assembly

Habang isinasagawa ang forum sa Plaza ng Infanta ay ginanap din sa Mt. Carmel High School ang pagtitipon ng binuong samahan ng iba’t-ibang grupo ng mga katutubo sa South Sierra Madre sa pamamagitan ng Sulong! CAHRHIL. Ang IP Network South Sierra Madre ay pinamumunuan ni Ramcy Astoveza, ang director ng TCD. Pangunahin sa mga paksang tinalakay ang mga pamamaraan sa pagpapalakas ng samahan at pagtatalaga ng tagapag-ugnay ng network na nakuha ng kinatawan mula Camarenes sa tribung Kabihog.

Ang asembliya ay nilahukan ng mga katutubong Agta/Dumagat sa Hilagang Quezon, Ayta ng Timog Quezon, Tarlac at Camarines Norte at Agta ng Dinggalan at Casiguran, Aurora.

Ikalawang Panuppoy Festival

Binuksan ang huling araw ng festival sa isang ritwal ng pananalangin na pinamunuan ni tribal elder Erning Conchada at sa pambungad na pananalita ni tribal elder Jaime Avellaneda. Isang binalot na mga tuyong dahon ang sinindihan na nagdulot ng usok na siyang nag-umpisa ng pagbabasbas ng pasasalamat sa kalikasan at kay Makidepet para sa pagdiriwang. Sinundan ito ng sama-samang pagparada ng mga katutubo sa suot nilang bahag at tapis sa mga pangunahing daanan ng Infanta. Pinangunahan ng mga mag-aaral ng Sentrong Paaralan ng mga Agta(SPA) ang katutubong sayaw gamit ang mga piraso ng kawayan na nagdulot naman ng nakakaindak na tunog.

Pumarada din ang mahigit sa 40 kasapi ng Tanod Lupaing Ninuno dala ang kani-kanilang pana at sibat. Ang Tanod Lupaing Ninuo ay binubuo ng mga kalalakihan at kababaihang Agta mula sa iba’t-ibang pamayanan na handang magbigay ng kanilang oras para sa proteksiyon ng lupaing ninuno. Nilalakad ng SAGIBIN-LN at ni Tribal Governor Nap Buendicho na sila ay maging bahagi ng Barangay Tanod ng bawat barangay na nakakasakop sa kanilang mga pamayanan.

Matapos ang parada ay muling nagtipon ang mga katutubo sa Plaza ng Infanta kung saan nagkaroon ng programa na kinatampukan ng mga kulturang pagtatanghal ng mga mag-aaral ng SPA, paghahandog ng katutubong awitin ng mga matatandang Agta at mga pagpapahayag na pananalita ng mga panauhin. Iginawad din ang karangalan sa mga katutubong nagsipagwagi idinaos na Tribal Games sa pamamahala ng Philippine Olympic Committee. At ang pagkilala sa natatanging kontribusyon sa kapakanan ng tribu nina Dir. Roberto Almonte ng NCIP Quezon Provincial Office at Jenne de Beer ng NTFP-TF. Sa huling bahagi ng pagdiriwang ay isa-isang nagpakuha ng litrato ang bawat pamayanan sa pangunguna ng kani-kanilang chieftain.

Nagtapos ang pagdiriwang bandang alas-3 nang hapon. Ang lahat ay nagtungo sa Tando beach upang magdiwang ng tagumpay ng Ikalawang Panuppoy Festival ng mga Katutubong Agta/Dumagat.

Comments

Popular posts from this blog

ADYENDA NG MGA AGTA/DUMAGAT SA LALAWIGAN NG QUEZON PARA SA PAGBABAGO AT PAG-UNLAD

Mga katutubong Agta ng Casiguran Aurora nanganganib sa ASEZA