ADYENDA NG MGA AGTA/DUMAGAT SA LALAWIGAN NG QUEZON PARA SA PAGBABAGO AT PAG-UNLAD


1. Sa Lupaing Ninuno

1. Kilalanin ang karapatan ng mga katutubo sa lupaing ninuno batay sa itinatadhana ng Indigenous People’s Rights Act o IPRA.
2. Maglaan ng karagdagang pondo sa NCIP para sa lahat ng gawain (gaya ng pagsusukat) na may kaugnayan sa aplikasyon sa CADT sa lahat ng bayan na may mga pamayanang katutubo.
3. Pondohan ang pagbubuo ng Ancestral Domain Sustainable Development and Protection Plan (ADSDPP) ng CADT sa bawat bayan na may mga pamayanang katutubo.
4. Repasuhin ang kasunduan sa pagitan MWSS, lokal na pamahalaan at ng ilang lider ng mga katutubo ukol sa Sumag-Umiray Transbasin Project sa Hen. Nakar. Tiyakin na ang pondong nakalaan para sa mga katutubo ay makakarating sa kapakinabangn ng mga katutubo.
5. Huwag payagang matuloy ang pagtatayo ng Laiban Dam, Kanan B1 Dam at iba pang dam na gagawin sa bahagi ng Lalawigan ng Quezon.
6. Huwag pahintulutan ang mga bagong aplikasyon sa mining, IFMA at SIFMA sa lalawigan ng Quezon. Ipatigil ang mga mining operation na sumisira sa kalikasan.

2. Sa Kalusugan

1. Maglaan ng isang milyong piso (P1,000.000.00) upang matugunan ang pangangailangan ng mga katutubo sa hospital. Ang pondong ito ay ilalagak sa pampublikong ospital sa Infanta at Lucena kung saan babawasin ang mga gastusin sa gamot at iba pang bayarin sa ospital ng mga katutubong nagpapatingin doon.
2. Magtayo ng IP desk sa bawat pampublikong ospital na siyang tutulong at mag-aasikaso sa mga katutubong nangangailangan. Ang IP desk ay dapat mayroong regular na katutubong staff na sinusuwelduhan ng panlalawigang lokal na pamahalaan.
3. Ang mga matatanda ng tribu ay mabigyan ng libre at ispesyal na atensyon sa mga pampublikong ospital sa lalawigan. Bigyan ng senior citizens ID ang lahat ng matatanda.
4. Bigyan ng Philhealth ID ang lahat ng pamilyang katutubo.
5. Maglaan ng karagdagang 50 % sa kasalukuyang pondo ng Programang Pangkalusugan ng bawat barangay. Ito ay gagamitin sa pagtatayo ng extension ng barangay health center sa bawat pamayanang katutubo na nasa loob ng barangay. Ang extension ng barangay health center ay dapat mayroong maliliit na botika at may kasanayang IP health worker na regular na kasapi ng Barangay Health Workers na naglilingkod particular lamang sa mga katutubo.
6. Gawing General Hospital ang ang CM Recto Memorial Hospital upang matugunan ang lahat ng pangangailangan sa hospitalisasyon hindi lamang ng mga katutubo kundi ng lahat ng mamayan sa Hilagang Quezon.
7. Itaas ng 100 % ang kasalukuyang budget sa Programang Kalusugan ng lahat ng lokal
na pamahalaan.

3. Sa Kabuhayan

1. Maglaan ng pondo ang lokal na pamahalaan para palakasin ang promosyon ng mga produktong katutubo gaya ng agrikultura, yaring-kamay, at iba pa.
2. Mabigyan ng kaukulang permit sa pag-ani, produksiyon at pagbebenta ng mga hindi kahoy na produktong gubat gaya ng uway, pulot, almasiga, at iba pa.
3. Magtalaga ng mga katutubong Bantay-Gubat na may inilaang kaukulang pondo para sa kanilang alawans.
4. Tulungan ang mga katutubo na mapalakas ang pagtatanim, pagpuproseso, at pagbebenta ng mga partikular na produkto ng mga pamayanan. Halimbawa, saging sa Polilio at citrus at kamoteng kahoy sa Baykuran at yokyok
5. Suportahan ang pagpapalakas sa wildlings nursery lalu na sa pagbubuo nito sa bawat pamayanan, pagpapataas ng kakayanan sa pagsasagawa at pagbebenta ng wildlings.
6. Maglaan ng pondo para sa Balik-Gubat Cooperative ng mga katutubo sa Hilagang Quezon.
7. Bigyan ng pantay na oportunidad ang mga katutubo sa mga naangkop na trabaho sa lokal na pamahalaan.
8. Magbigay ng bangkang angkop para sa pagbibiyahe ng mga produkto


4. Sa Edukasyon

1. Suportahan ang Sentrong Paaralan ng mga Agta na nagbibigay ng edukasyong angkop sa katutubo.
2. Dagdagan ng 30 ang bilang ng mga kabataang katutubo na tumatanggap ng scholarship sa high school at college sa bawat bayan. Ibatay ang mga pamantayan sa kakayanan at kakanyahan ng mga katutubo.

5. Sa Pagpapalakas ng Partisipasyon ng mga Katutubo sa Pamamahala

1. Italaga sa unang buwan ng panunungkulan ang mga kinatawang sektoral ng mga katutubo sa lahat ng antas ng lokal na sanggunian na itinatadhana ng mga umiiral na batas. Ilaan ang kaukulang pondo para sa mga programa at benepisyo ng kinatawang sektoral ng mga katutubo.
2. Magpagawa ng sentrong tanggapan ng mga tribu sa lalawigan ng Quezon at lahat ng bayan na mayroong mga pamayanang katutubo.
3. Magpasa ng ordinansa na naglalaan ng 5% sa IRA ng lalawigan, mga bayan at barangay na mayroong mga pamayanang katutubo na gagamitin sa pamamahala ng mga tribu taon-taon.
4. Magtalaga ng mga katutubong Bantay-Gubat na may inilaang kaukulang pondo para
5. sa kanilang alawans.
6. Gawing bahagi ang mga katutubo sa lahat ng kaukulang local special bodies na bumubuo ng mga polisiya at plano sa pag-unlad ng lalawigan at lahat ng bayan at barangay na may pamayanang katutubo.
7. Gawing regular na pagdiriwang ng lalawigan ng Quezon at ng mga bayang may mga katutubo lalu na sa Hilagang Quezon ang Panuppoy Festival. Maglaan ng taunang pondo sa pagsasagawa nito.
8. Ipatupad ang alituntunin sa IPRA sa pagpili at pagtatalaga ng mga Komisyoner ng NCIP.

6. Sa Pangkapayapaan

1. Ipagbawal ang pagtatayo ng kampo ng mga sundalo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa mga pamayanan ng mga katutubo. Limitahan din ang kanilang pagdalaw o pagpasok sa mga pamayanan .
2. Tiyakin na sinusunod ng mga kawal ng Sandatahng Lakas ang lahat ng umiiral na batas ukol sa paggalang sa mga Karapatang Pantao.
3. Tulungan na magkaroon ng mga kasunduang pangkapayapaan na pangmatagalan ang mga armadong grupo upang matiyak ang kaligtasan, kapayapaan at pag-unlad ng mga pamayanang katutubo.
4. Magtalaga ng mga katutubo na susubaybay sa mga paglabag sa karapang pantao.
5. Magtalaga ng mga baranggay tanod na katutubo sa bawat barangay na pipiliin at ihahalal ng mga pamayanan. Ang mga katutubong tanod ay dapat tumanggap ng anumang benepisyo na tinatanggap ng tanod sa barangay. Sila ay partikular na magsisilbi sa kanilang nasasakupang pamayanang katutubo.
6. Maglagay ng mga Solar Energy sa mga Bahay-Pulungan ng mga katutubo.
7. Pagkalooban ng Radio ICOM na may kaukulang permit ang mga pamunuan ng mga katutubo.

Comments

Popular posts from this blog

Mga katutubong Agta ng Casiguran Aurora nanganganib sa ASEZA

IKALAWANG AGTA/DUMAGAT PANUPPOY FESTIVAL,Ipinagdiwang!