Pahayag sa ng Suporta

CATHOLIC BISHOPS’ CONFERENCE OF THE PHILIPPINES (CBCP)
EPISCOPAL COMMISSION ON INDIGENOUS PEOPLES (ECIP)

CBCP BLDG., 470 GEN. LUNA STREET, INTRAMUROS 1002 MANILA, PHILIPPINES
TEL. 02-527-4062 FAX. 02-527-41-55 EMAIL: ecipns@yahoo.com.ph



PAHAYAG NG PAKIKIISA LABAN SA LAIBAN DAM
Hulyo 20, 2009

“…Ang Diyos ay laban sa mga palalo, ngunit tumutulong sa mga mapagpakumbaba” (Santiago 4:6)

Ang Episcopal Commission on Indigenous Peoples (ECIP) ay nakikiisa sa pagtutol ng mga katutubong Agta at Remontado, kasama ang maraming maka-kalikasang grupo, laban sa pagtatayo ng Laiban Dam. Kami rin ay sumusuporta sa pahayag ng Prelatura ng Infanta at Social Action Center ng Diyoses ng Antipolo laban sa bilyon-bilyong pisong halaga ng proyekto na magpapalubog sa pitong barangay ng Rizal at isang barangay ng Quezon.

Noon pa mang dekada ’80, mariin nang tinututulan ng mga katutubong Agta (Dumagat) at Remontado ang pagtatayo ng Laiban Dam sa kadahilanang ito ang sisira ng kanilang lupaing ninuno, lupain kung saan nakaugat ang kanilang buhay at kultura. Tulad ng mga pahayag ng SAGIBIN-LN, Tribal Center for Development (TCD) at opisina ng Tribal Governor ng Quezon, patuloy ang paggigiit ng mga katutubo na igalang ang kanilang karapatan na kinikilala ng batas IPRA (Indigenous Peoples Rights Act). Ngunit nananatiling sarado ang mga mata at tainga ng pamahalaan sa maraming karaingan ng mga katutubo na tagapagtaguyod ng kalikasan.

Kahina-hinala ang pagkakataon sa pagbuhay ng nasabing proyekto. Maiuugnay dito ang napipintong pagkakaloob sa isang malaking kumpanya na masasabing dumaan di-umano sa tamang proseso. Dagdag pa rito, ang limpak-limpak na salaping gugugulin ay bato-balani sa pangungurakot lalo na sa panahon ng pambansang eleksyon.

Nababahala rin kami sa panganib na idudulot ng Laiban Dam hindi lamang sa walong barangay, bagkus sa mas malawak na lupain na sumasakop sa lalawigan ng Rizal, Quezon at maging sa kalakhang Maynila. Panganib na nakabatay sa masusing pag-aaral ng mga dalubhasa at sa karanasan sa mga nakalipas na trahedya.

Naniniwala kami na ang plano ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa Laiban Dam ay di tugon sa magiging kakulangan ng kalakhang Maynila sa tubig. Ang dapat na pagtuonan ng panahon at paglaanan ng pondo ay kung papaano mapuksa ang walang habas na pagsira sa kagubatan ng Sierra Madre. Dapat din na mapaunlad ang mga watershed ng Angat at Ipo sa pamamagitan ng patuloy na pagtatanin ng mga punong kahoy at pangangalaga sa mga ito. Dagdag pa rito ay ang pagbabagong pananaw ng mga nakararaming tao sa paggamit ng likas na yaman at sa gawa ng Lumikha.

Ito ay maisasagawa kung sama-sama nating itataguyod ang tunay na kaunlaran at maka-kalikasan para sa kapakanan ng nakararaming mamamayan at di para sa interes ng iilan lamang.


Para sa Episcopal Commission on Indigenous Peoples,




(SGD)+MOST REV. SERGIO L. UTLEG, D.D.
Tagapangulo ng ECIP at Obispo ng Laoag

Comments

Popular posts from this blog

ADYENDA NG MGA AGTA/DUMAGAT SA LALAWIGAN NG QUEZON PARA SA PAGBABAGO AT PAG-UNLAD

Mga katutubong Agta ng Casiguran Aurora nanganganib sa ASEZA

Sino ba si Napoleon Buendicho